“Tatlong buwan. Ginawa na po namin ang lahat pero hanggang diyan na lang po talaga. Im sorry, ma’am. I’ll go ahead.”
Hanggang ngayon ay patuloy na umaalingawngaw sa aking isipan ang mga sinabi ni Dra. Mendez. Tatlong buwan. Siyamnapu’t dalawang araw upang gawin ang lahat ng kailangang kong gawin dito sa mundo. At ngayong araw na ang huli.
Pupungas-pungas akong bumangon mula sa aking higaan. Wala ang sinag ng araw na madalas ay nakikita kong lumalagos sa bintana ng aking kuwarto. Hinanap ng aking mga kamay ang aking cellphone na madalas ay nasa aking ulunan. Ah. Alas dos na pala ng hapon. Marahil ay lumipat na sa kabilang direksyon ang liwanag na nagmumula sa araw kaya hindi ko na ito gaanong nakikita. Mula nang araw na sinabi ni Dra. Mendez ang tungkol sa kalagayan ng kalusugan ko, nawalan na ko ng matinong konsepto ng oras at kalendaryo. Ganito yata kapag hinihintay mo na lamang ang iyong katapusan.
Bumangon na ako upang maligo. Ilang sandali pa ay lumabas na ako sa banyo at lumapit sa tokador upang maghanap ng maisusuot. Pinili ko ang isang mini skirt at isang makulay na pang-itaas. Kung sasakto ang araw na ito sa sinabi ng doktor na magiging huling araw ko sa mundo, wala akong balak magmukhang mamamatay na talaga. Sa huling araw ko man lang, gusto kong magmukha akong masigla sa paningin ng lahat.
Sinuklay ko ang nalalagas ko nang buhok. Hindi ito sinlala ng sa iba. Kaya nga maging ang aking mga kapamilya at malalapit na kaibigan ay walang malay sa tunay kong kondisyon. Pinili kong hindi na lamang ipaalam sa kanila ang tungkol sa taning na ibinigay sa akin ng doctor. Hindi ko nais na pati sila ay maramdaman ang nararamdaman ko ngayon. Tila araw-araw kong nararamdaman ang kamatayan hindi pa man dumarating iyon.
Pagkatapos kong maglagay ng manipis na make-up ay lumabas na ako ng kuwarto. Sa labas ay nadaanan ko si mama. Nagpaalam akong aalis na. Kahapon ko pa sinabi sa kanya na may lakad kami ni Melai, ang best friend ko. Pagkatapos kong humalik sa pisngi ni mama ay dumiretso na ako sa labas at tumungo sa sakayan ng tricycle papunta kina Melai. Alas-onse ang usapan naming oras ng pagsundo ko sa kanya.
Ilang sandali lamang ay nagkukuwentuhan na kaming dalawa sa bus. Matagal na kaming magkaibigan ni Melai. Mula pa noong unang baiting namin sa elementarya ay lagi na kaming magkasama. Ako ang tagapagtanggol ni Melai sa tuwing may mga kaklase kaming umaaway sa kanya. Magkaedad lang kami ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay laging ako ang nagsisilbing ate sa aming dalawa.
Pagkaraan ng dalawang oras na pagpapalipat-lipat ng sasakyan, nasa harap na kami ng Enchanted Kingdom. Bumili kami ng ride-all-you-can ticket para siguradong masusubukan namin ang lahat ng mga rides na gugustuhin namin.
Napakaraming tao sa loob ng parke. Mga bata, matanda, estudyante, magnobyo at mga magkakabarkada ang naglisawan sa Enchanted Kingdom. Napangiti ako, sa kabila ng mahal na presyo ng ticket, marami pa rin ang bumibisita rito. Marahil tulad ko, nagnanais din silang umamot ng kahit ilang sandaling kaligayahan mula sa mga nakakalula at nakakasukang rides sa parke.
Una naming pinilahan ang Space Shuttle. Nang kami na ang nakasakay ay hindi mapigil ang malakas na sigaw ko. Muntik ng mabingi si Melai sa tabi ko. Kasabay ng paghagibis ng tila nakakahiwalay-kaluluwang ride ay ang paulit-ulit kong pagsigaw. Isinigaw ko ang lahat ng hinanakit ko sa mundo, ang lahat ng sama ng loob ko sa mga taong mahal ko, maging iyong mga pinili kong itago ng mahabang panahon sa puso ko. Sigurado namang hindi ako naririnig ni Melai. Dahil siya man ay hindi rin magkamayaw sa pagsigaw.
Pagkatapos ng kulang isang minutong ride ay nagtungo na kami sa food court upang kumain. Sasandali pa lamang kami sa parke ngunit tila kay haba na ng panahong aming nilalagi roon. Masakit na agad ang katawan namin. Makaraan naming kumain ay nagyaya si Melai na sumakay sa iba pang ride ngunit tumanggi ako. Ayaw ko sa iba. Sa Space Shuttle ko lang gusto. Sinabi kong ayos lang sa akin kung hihiwalay siya at sasakay sa ibang mga rides pero tumanggi siya. Titiisin na lang daw niyang maya’t mayang panawan ng ulirat sa Space Shuttle. Napangiti ako. Marunong ng magparaya si Melai. Nagmamature na rin siya sa wakas. Bago ko man lang iwan ang mundong ibabaw ay nakita ko man lang na lumalakas na siya. Matatahimik na ako sa kabilang buhay.
Hanggang gumabi ay pauli-ulit lang kaming pumila sa Space Shuttle. Hindi lamang ang lakas namin ang naubos kundi maging ang aming mga boses. Tinawanan na lamang namin ang aming paos na tinig. Bago kami umalis sa Enchanted Kingdom ay natunghayan namin ang kanilang fireworks display. Sinakop ng mga makukulay na pailaw ang malawak na kalangitan. Napangiti ako. Noong bata ako, nagagawang patahanin ng mga makukulay na liwanag na ito ang aking pag-iyak. Napapalitan ng talon at palakpak ang mga luha sa tuwinang makakakita ako ng fireworks display. Tinaglay ko na nga yata ang ugaling iyon hanggang sa pagtanda.
Nagpasya kaming umuwi na pagkatapos. Inihatid ko si Melai sa kanilang bahay tulad ng nakasanayan namin sa tuwing lalabas kaming magkaibigan.
“Bye, sweetie. I’m going to miss you. Take care always, okay? I love you.” Sabi ko kasabay ng mahigpit na pagyakap ko sa kanya.
“Para namang hindi tayo magkikita sa school bukas. Masyado kang madrama. Osya. I love you, too. Goodnight.” Gumanti siya ng yakap kahit alam kong nagtataka siya sa mga weirdo kong kilos mula pa kaninang umaga.
Tumalikod na ako upang tumawid sa kalsada. Ngunit isang nakasisilaw na liwanag ang tumambad sa akin. Kasabay niyon ay ang nagsasalimbayang tinig ng mga tao. Naramdaman ko ang aking pagbagsak maging ang pamimigat ng talukap ng aking mga mata.
Nasagasaan ba ako? Mamamatay na ba ako? Marahil. Namimigat ang buo kong katawan. Hindi ko na magawang idilat ang aking mga mata. Alam ko namang mamamatay na ako pero hindi ko inakalang sa ganitong paraan.
Ah. Ano ba ang problema? Hindi ba’t talaga namang sa ganito rin hahantong ang lahat? Napaaga nga lang. Hindi bale na, nagawa ko na naman ang lahat ng dapat kong gawin. Maliban sa…
Bakit hindi? Mamamatay na naman ako. Hindi ko na malalaman ang anumang magiging reaksyion niya rito. Kaya’t inipon ko ang lahat ng natitira kong lakas upang isatinig ang noon pang isinisigaw ng aking puso. “M-mahal k-ita…”
Ngunit hindi ko nagawa pang ituloy iyon. Tuluyan ng nagdilim ang aking paningin kasabay ng paglalandas ng mainit na likido sa aking pisngi.